-- Advertisements --

Hiling ni Philippine National Police (PNP) chief police dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Special Action Forces (SAF) troopers sa New Bilibid Prison (NBP) na huwag siyang ipahiya at iwasan ng mga ito na masangkot sa iligal na aktibidad habang nagbibigay seguridad sa nasabing piitan.

Ang pagbisita ni Dela Rosa kaninang umaga sa NBP ay para kausapin ang mga pulis kasunod ng nagsilabasang ulat na sangkot ang ilang SAF troopers sa illegal drug trade at nakikipag-ugnayan pa umano sa mga drug lord.

Bagama’t alegasyon pa lamang ito laban sa SAF troopers, tiniyak ng PNP chief ang kaniyang suporta sa mga ito sa kondisyon na huwag siyang ipapahiya.

Nakiusap din ito sa SAF troopers na huwag dibdibin ang mga lumalabas na isyu at panatilihing naka-focus sa kanilang mga trabaho.

Aniya, patunayan sa mga nag-aakusa sa kanila na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanila.

Nagbanta ang PNP chief na sakaling totoo ang mga alegasyon at mapatunayan na nakikipagsabwatan sila sa Bilibid drug lords, talagang mananagot ang mga ito sa kaniya.

Sa kabilang dako, hindi na umano nagtataka pa si Gen. Bato na idadamay ang mga pulis sa isyu ng pagbabalik ng illegal drug trade sa NBP.

Una ng sinabi ni Dela Rosa na hindi naman buong NBP ang kontrolado ng PNP-SAF.