
Plano ngayon ni Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. na magtayo ng permanenteng police attachès sa United Arab Emirates (UAE).
Ito ay matapos ang kaniyang pakikipagpulong kay Philippine Ambassador to the United Arab Emirates Alfonso Ver kung saan tinalakay nila ang iba’t-ibang usapin at pagbuo ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa nasabing bansa.
Ayon kay PNP chief Azurin, napapanahon na para sa pagtatalaga ng mga permanenteng police attachès sa Embahada ng UAE upang makatulong sa pagsugpo ng mga krimen na nakaapekto sa magkabilang bansa, at mas-mapapangalagaan ang kaligtasan ng mga Filipino citizens.
Layunin nito na maprotektahan ang mga karapatan ng mga kababayan nating overseas Filipino workers doon kabilang na ang pagtugon sa mga krimen tulad ng trafficking in person, human smuggling, at gayundin ang iba pang “safety concerns” ng Filipino community doon.
Samantala, bukod dito ay napag-usapan din ng dalawang opisyal ang pagpapabuti pa ng mga emergency response at support systems para sa mga Pilipinong nangangailangan doon.
Hanggang sa Huwebes ay magtatagal si Gen. Azurin sa Abu Dhabi, UAE para dumalo sa ika-24th Asian Regional Conference ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) kung saan tatalakayin nila ng kaniyang mga counterpart mula sa iba’t-ibang bansang miyembro ng naturang organisasyon ang pagpaplantsa sa mga hakbang laban sa mga transnational crimes.