-- Advertisements --
AZURIN 1024x576 1

Pinaiimbestigahan ngayon ni Philippine National Police Chief PGen Rodolfo Azurin Jr. ang umano’y massive data breach sa system ng kanilang hanay.

Ito ay matapos na mapaulat na mayroon umanong 1.2 million data ng mga kawani at aplikante ng PNP ang nag leak sa hindi malamang dahilan.

Ayon kay Azurin, kasalukuyan na itong iniimbestigahan ng PNP-Anti Cybercrime Group at hinihintay na lamang nila ang report nito upang alamin kung ano amg naging ugat ng naturang data breach at kung paano ito masosolusyonan.

Kaugnay nito ay tiwala naman ang outgoing chief ng Pambansang Pulisya na agad itong masosolusyonan ng PNP Anti Cybercrime Group sa lalong madaling panahon upang ito ay hindi na muling maulit pa.

Una rito ay sinabi na rin ni PNP-ACG Director PBGen Sidney Hernia na agad na nagsagawa ng vulnerability assessment at penetration testing ang kanilang hanay kasabay ng pagre-request nito sa complete access log mula sa PNP recruitment and selection service para sa kaukulang evaluation..

Kung maaalala, batay sa report ng isang cybersecurity research firm, ang naturang data breach ay inexpose ang nasa 817.54 gigabytes ng data kabilang na ang nasa 1,279,424 na records hindi lamang sa buong hanay ng kapulisan kundi pati na rin sa National Bureau of Investigation, Professional Regulation Commission, Civil Service Commission, at Bureau of Internal Revenue, at marami pang iba.