Pinasisilip ngayon ni Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. ang mga administratibong kasong kinakaharap ng ilang mga pulis na matagal maresolba.
Kasunod ito ng mga pagkuwestiyong natanggap ng Pambansang Pulisya nang dahil sa hindi pa rin pagsibak sa isang tauhan ng Navotas City Police Station na dawit sa mistaken identity incident na kumitil sa buhay ng binatilyong si Jemboy Baltazar.
Pag-amin ni Acorda, sa ngayon kasi ay maraming mga kaso ang naiipon sa National Police Commision na hindi agad nareresolba at naipapatupad.
Iba-iba kasi aniya ang bilis ng pagresolba sa mga administratibong kasong isinasampa sa mga pulis dahilan kung bakit iba-iba rin ang appreciation sa mga kasong ito dahil nakadepende ang mga ito sa bigat ng kaso at availability ng mga dokumento nito.
Dahil dito ay pinakuha na ng heneral ang lahat ng mga kaso ng mga pulis na nasa National Police Commision upang isailalim sa malalimang pag-aaral at upang matiyak na hindi rin ito napapabayaan.
Kasabay nito ay tiniyak naman ni PNP chief Acorda na patuloy ang kaniyang pakikipag-ugnayan kay NAPOLCOM chair at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. at NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Atty. Alberto Bernardo ukol dito.