Inihayag ng Philippine National Police na bukas ito sa anumang uri ng imbestigasyon na may kaugnayan sa 990 kilo drug raid noong Oktubre ng nakalipas na taon kung saan naaresto ang isang pulis na miyembro mismo ng PNP Drug Enforcement Group.
Ito ay matapos na ihain si Senator Bong Revilla ang Senate Resolution No. 564 na nagpapanukala na magsagawa ng sariling legislative inquiry o imbestigasyon ang Senado hinggil sa nasabing kaso.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol Redrico Maranan, ito ay isang magandang pagkakataon upang mabigyang linaw ang lahat ng mga isyung naglalabasan na nauugnay sa nasabing kaso.
Kamakailan lang ay nakaladkad ang pangalan ng ilang matataas na opisyal ng PNP matapos silang tukuyin ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. dahil sa umano’y pagkakadawit nila rito kung saan pinagtangkaan pa umano ng mga ito na pagtakpan ang nasabing krimen.
Sa kabila ng lahat ng ito ay sinabi naman ni Maranan na sa ngayon ay mayroon lamang na hinihintay pang mga reports si PNP chief PGen Rodolfo Azurin Jr. at sa tamang panahon ay magbibigay din ito ng kaniyang pahayag pahinggil sa kasong ito.