-- Advertisements --

Binalaan ni House Dangerous Drugs Committee chairman Robert Ace Barbers ang Philippine National Police (PNP) sa pagbabalik ng drug trade sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Maari kasi aniyang mas matindi ngayon ang kalakaran ng iligal na droga makalipas ang halos tatlong buwang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic kung saan nilimitahan ng pamahalaan ang galaw ng publiko.

Naniniwala ang kongresista ilang bilyong piso ang nawala sa mga drug personalities sa mga nakalipas na buwan.

Kaya marapat lamang aniyang manatiling alisto pa rin ang pulisya sa galaw ng publiko para masawata ang mga mapagsamantala sa sitwasyon.

“These drug syndicates have long prepared for this new normal and have planned out well their next moves amid the fear and confusion.  While the people and our law enforcers are busy mapping strategies on how to avoid mass concentration and activities, we might overlook the drug trade resumption”, ani Barbers.

Kaya gaya ng panawagan ni House Committee on Transportation chairman Edgar Mary Sarmiento, sinabi ni Barbers na dapat masusi ang isinasagawang inspeksyon at monitoring sa mga pantalan, paliparan at lahat ng bus terminals.

Ito ay para bukos sa maiwasan ang hawaan ng COVID-19 ay masawata rin ang kalakaran ng iligal na droga.