
Patuloy ang ipinapatupad na mahigpit na seguridad ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa bansa partikular na sa mga areas of convergence sa Pilipinas na posibleng atakihin ng teroristang grupo na New People’s Army.
Kasunod pa rin ito ng kamakailan lang na pagpanaw ng founder ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, ay sinabi niya na bagama’t walang nakikitang banta ang kanilang hukbo hinggil sa mga posibleng pag-atake ng CPP-NPA-NDF na may kaugnayan sa pagkamatay ni Sison, ay hindi aniya sila mag-aatubili na umaksyon kung kinakailangan.
Sa katunayan pa nga aniya nito ay patuloy pa raw ang pagbaba ng bilang ng mga kasapi ng nasabing rebeldeng grupo na batay pa sa datos ay umaabot na lamang sa 2,112 aang kabuuang bilang ng total strength nito.
Bukod dito ay idinagdag din ni Aguilar na sa palagay daw niya ay mas makakatulong [a ang nangyaring ito para magkaroon ng kapayaan sa bansa.
Kasabay ng pag-asa na magkakaroon ng mga pagbabago at pagkakataon ang mga dating nasasakupan nito na piliin ang tamang landas na walang halong karahasan.
Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na magpapatuloy rin ang kanilang pagpapatupad ng batas at mga operasyon para sa kaligtasan ng publiko habang pinapanatili pa rin ang active posture defense nito laban sa mga terrorist actions and criminal activities ngayong Holiday season.
Kung maaalala, kaugnay nito ay una na ring sinabi ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo sa Bombo Radyo na magsasagawa din ng mas mahigpit na random inspection, patrolling at iba pa ang mga otoridad bilang bahagi pa rin ng mas mahigpit na pagbabantay sa seguridad ng buong Pilipinas.










