Walang naitalang “election related kidnapping incidents” ang PNP Anti Kidnapping Group (AKG) sa buong election period.
Ito ang iniulat ni PNP-AKG Director PBGen. Rudolph Dimas, kasabay ng pagsabi na karamihan sa mga kidnapping cases na naitala sa taong ito hanggang Mayo 10 ay may kaugnayan sa mga casino at Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Nilinaw naman ni Dimas na walang ebidensya na ang mga casino at POGO kidnappings ay ginawa para pondohan ang mga campaign activities.
Paliwanag ng opisyal, ang mga kidnapping ng POGO workers ay “work related” tulad ng illegal recruitment, at “pagbebenta” ng POGO workers sa pagitan ng mga employers; habang ang mga casino kidnappings naman ay may kinalaman sa pagkakautang.
Samantala, iniulat ni Dimas na sa mga focused manhunt operations na inilunsad ng AKG sa panahaon ng eleksyon, naaresto nila ang 101 wanted persons at tatlong kidnappers ang na-neutralized.










