Nakahanda ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan ang nangyaring hacking incidents sa BDO Unibank Inc., sa sandaling may private complainant ang maghain ng reklamo sa kanilang opisina at kung ipag-utos din ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos.
Nilinaw ni PNP-ACG spokesperson Lt. Michelle Sabino, na hindi sila basta basta na lamang mag-imbestiga na batay lamang sa news reports o sa social media dahil dapat ang BDO muna ang magsagawa ng imbestigasyon dahil isa itong breach sa cyber-security.
Dagdag pa ni Sabino, batay sa bank secretary law, kailangan ng PNP ACG ang isang warrant mula sa korte bago sila makapagbigay ng data kaugnay sa insidente.
Aniya, malaking bagay din ang assurance na ibinigay ng bangko na kanilang ibabalik ang mga perang nawala dahil sa insidente.
Samantala, pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga payo upang hindi maging biktima ng cybercrime.
Ayon kay Gen. Carlos, kapag gagamit ng social media huwag tatanggap ng mga unfamiliar friend requests, dahil malimit gumagamit ng pekeng account ang mga hackers.
Ang malimit din aniyang paraan ng mga cybercriminals ay i hack ang mga personal computers at gadgets para makapag-send ng emails na mayroong infected attachments.
Kaya mahalaga na huwag basta basta magrereply o bubuksan ang mga kahina hinalang emails na mayroong links dahil ito aniya ay maituturing na Phishing emails.
Huwag rin daw basta basta ipamimigay ang mga mahahalagang impormasyon lalo na ang contact at bank details at palaging magpalit ng password.
Kapag gumagamit daw ng mobile devices limitahan ang paggamit ng contact numbers online dahil ito ay malimit nakukuha ng mga hackers.
Iwasan din ang mga unsecured wi-fi hotspots; i -disable ang bluetooth kapag hindi ito ginagamit para hindi maka exploit ang mga hackers.
Magandang paraan para hindi mabiktima ng cyberattack ay dapat mag-isip nang mabuti o mas maging “discerning” at i-report sa otoridad.