CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapatuloy ngayon ang operasyon ng militar laban sa pinaniniwalaang mga kasapi ng rebeldeng NPA na umatake sa plantasyon ng Del Monte Philippines Incorporated o DMPI sa Brgy Casisang, Malaybalay City, Bukdinon Huwebes ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 403rd Infantry Battalion Commanding Officer Brig. Gen. Edgardo de Leon na apat na armadong lalaki ang pumasok sa plantasyon ng kompaniya at kanilang sinunog ang boom truck na nagkakahalaga ng P25-M.
Bagamat hindi sinaktan ng mga rebelde ang mga trabahador ng kompaniya nagdulot naman ito ng matinding takot sa kanila. Mabilis naman umanong tumakas ang mga armado matapos ang pangyayari.
Naniniwala ang heneral na ang hindi pagbigay ng revolutionary tax ng nasabing kompaniya ang siyang dahilan kung bakit sinunog ng mga rebelde ang kanilang heavy equipment.