
Tinutulan ng asosasyon ng mga mangingisda sa may Pag-asa island ang plano ng militar ng Pilipinas na sanayin ang mga ito para maging reservist sa gitna ng patuloy na panghaharass ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Pag-asa Island Fisherfolk Association president Larry Hugo na medyo mahirap ito para sa kanilang mga mangingisda sa halip ay mas mainam aniya na iulat na lamang nila ang anumang insidente o kaganapan sa naturang lugar.
Iginiit din nito na hindi sila hahawak ng armas.
Ang nasabing grupo kasi ay nag-ooperate ng 36 na fishing boats sa may Pag-asa island.
Matatandaan, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. nitong huwebes sa kaniyang pagbisita sa Palawan na ikinokonsidera nito ang pagbuo ng maritime militia sa may WPS para palakasin ang presensiya ng militar sa lugar.
Dito, tinitignan din ng militar na isama ang mga mangingisdang Pilipino sa reserve force.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod na rin ng water cannon incident sa may outpost ng Pilipinas na BRP Sierra Madre na nasa Ayungin shoal noong Agosto 5.










