-- Advertisements --

Pinag-aaralan pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na payagan ang mga kumpanya o negosyong naapektuhan ng coronavirus pandemic na ilipat sa ibang araw ang pamimigay ng 13th month bonus sa kanilang mga empleyado.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kinokonsidera pa raw nila ang iba pang options para ibalanse ang karapatan ng mga manggagawa at maging ang mga negosyo.

Kasabay ito ng muling pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas matapos ang anima na buwang lockdown.

Dagdag pa ng kalihim, kakailanganin ng ahensya na maglabas ng advisory upang mabigyang linaw kung anong kumpanya o negosyo ang pwedeng tawagin na “distressed” upang hindi magkagulo ang publiko.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 851, bawat kumpanya ay kinakailangang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado. Binibigay ang naturang bonus tuwing katapusan ng taon.

Subalit dahil na rin sa pandemic na hinaharap ng buong mundo ay maraming negosyo ang napilitan na pansamantalang itigil ang kanilang operasyon o di kaya naman ay tuluyan nang magsara dahil sa limitadong customers.

Ilan sa mga apektadong sektor ay ang turismo, transportasyon, leisure activities at food and beverages outlets.

Sinabi pa ng kalihim na tinitingnan din nilang opetion ang exemption para sa mga Micro, Small and Medium Enterpreise (MSMEs) na magbigay ng 13th month bonus, gayundin ang mga negosyo na higit P1 milyon ang kapital.

Aminado naman si Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines, na magiging delikado para sa DOLE ang kanilang binabalak.

Wala rin aniyang kasiguraduhan na ibibigay kaagad ng mga negosyo sa kanilang mga empleyado ang nasa P10 billion pesos na budget sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.