CAUAYAN CITY – Itinuturing ng PISTON na panlilinlang sa kanilang hanay ang ginagawa ng mga kompanya ng langis na pagtaas at pagbaba sa presyo ng kanilang mga produkto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PISTON national Chairman Mody Floranda na ang nakaambang pagbaba ng diesel ng P2.50-3.00 kada litro habang sa kerosene ay bababa ng P3.00-3.40 kada litro ay kakarampot lamang kumpara sa itinaas sa presyo mula noong January 1, 2022.
Ayon kay Floranda, panlilinlang ang ginagawa ng mga kompanya ng langis hindi lamang sa hanay ng transportasyon kundi maging sa pamahalaan.
Kung mayroon anyang pagbaba sa presyo ng diesel at kerosene ngayong linggo ay tiyak naman na mayroon na namang pagtaas sa susunod na linggo at malamang na mas malaki pa ang itataas.
Marapat lamang anya na patuloy ang pagbaba sa presyo ng diesel maging ng gasolina dahil hindi naman lingguhan ang pagbili ng mga kompanya ng gasolina sa world market.