Isinusulong ni Pinuno Partylist representative Howard Guintu ang isang panukalang batas na magbibigay ng libreng pabahay para sa mga public school teachers.
Inihain ni Rep. Guintu ang House Bill No. 1041 o ang “Free On-Site Living Quarters for Public School Teachers Act” na naglalayon para mabawasan ang pahirap sa mga public school teachers na ginugugol ang mahabang oras sa pagbiyahe sa patungo sa mga paaralan kung saan sila nagtuturo.
Giit ni Guinto, hindi na mahihirapan pa ang mga public school teachers lalo na at nakadestino sa mga malalayo at mountainous region.
Ayon pa sa mambabatas, mas magiging praktikal kasi kung magkakaroon ng libreng pabahay ang mga ito lalo na at tumataas ang presyo ng gasolina.
Sa pagkakaroon ng libreng pabahay makakatipid pa ang mga guro sa kanilang pamasahe.
Base sa Salary Standardization Law of 2019 ang mga may hawak na Teacher 1 positions ay mayroong P25,349 monthly salary.
Ayon sa panukala, ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay dapat na magkaloob ng matitirhan at makataong tirahan para sa mga guro sa pinakamalapit na posibleng lokasyon sa mga pampublikong paaralan.
Nakasaad din sa panukalang batas na hindi dapat tanggalin ang mga kasalukuyang benepisyo at allowance na ibinibigay sa mga guro ng pampublikong paaralan.
Binigyang-diin ni Rep. Guintu, ang pagbibigay ng matitirhan at ligtas na kapaligiran para sa mga guro sa pampublikong paaralan ay makakatulong sa pagpapabuti sa kanilang trabaho at sa maging ang working conditions.