-- Advertisements --

Umabot na sa P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa patuloy na epekto ng El Niño phenomenon sa bansa, ayon sa Task Force El Niño.

Ayon kay Presidential Communication Office Assistant Secretary Joel Villarama, tagapagsalita ng task force, na ang Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang higit na nagdurusa ngayon sa epekto ng El Niño na nakakaapekto sa 4,000 mga magsasaka.

Batay sa datos ng Department of Agriculture, humigit-kumulang 93% ng pinsala ay sa bigas habang ang natitirang 6% ay sa mais.

Para matulungan naman ang mga magsasakang apektado ang kabuhayan dahil sa naturang weather phenomenon, sinabi ni Villarama na direktang makakatanggap ng tulong mula sa DA at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 4,000 magsasaka.

Ipinaliwanag din niya ang ilang alternatibong paraan sa pagsasaka para patuloy pa rin silang makapagtanim ng palay gaya ng alternate wetting at drying. Bibigyan din amg mga ito ng alternatibong kabuhayan na maaari nilang pagkakitaan gaya ng pagbibigay ng domestic animals at livestocks.

Inaasahan na rin aniya ng DA ang posibleng infestation sa ilang sakahan dahil sa matinding init.

Bukod sa direktang interbensyon, sinabi ni Villarama na inaayos din ng gobyerno ang mga irigasyon para matulungan ang mga magsasaka.

Samantala, bumaba sa 41 mula 50 ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño phenomenon, ayon sa state weather bureau.

Kung saan patuloy na nararanasan ang tagtuyot sa Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Palawan, at Pangasinan. (With reports from Bombo Everly Rico)