Umabanse na sa quarterfinals ng Asia-Oceania Boxing Qualification Tournament para sa 2020 Tokyo Olympics ang Pinay boxer na si Irish Magno matapos magwagi sa pambato ng Hong Kong via second round stoppage sa Amman, Jordan.

Walang tigil na pinaulanan ni Magno ng kanyang jab-cross combo ang katunggaling si Winnie Au Yin Yin sa second round ng kanilang women’s flyweight contest, rason para mapilitan ang referee na itigil ang laban.

Maging si Magno ay hindi rin makapaniwala sa nakamit nitong tagumpay sa maikli lamang na oras.

Isang panalo na lamang ang kailangan ni Magno upang makakuha ng ticket patungong Summer Games sa Japan.

Si Magno ay beterano na sa apat na mga world championships, at silver medalist noong 2019 Southeast Asian Games.