-- Advertisements --

Isang Filipina nurse practitioner ang nahaharap ngayon sa iba’t ibang federal charges sa Estados Unidos matapos akusahang utak ng isang malawakang healthcare fraud scheme na umanong nakapandaya sa Medicare at TRICARE ng halos US$1 bilyon (tinatayang P51.6 bilyon).

Kinilala ang suspek na si Marizel Yukee, residente ng Las Vegas, na inisyuhan ng warrant of arrest ng United States District Court for the Southern District of Texas.

Kinasuhan siya ng conspiracy to commit healthcare fraud at wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering.

Ayon sa mga federal prosecutor, umano’y target ng operasyon ang mga matatanda at pasyenteng may malulubhang sakit sa pamamagitan ng pagbibigay ng hindi kinakailangang wound treatments, na pagkatapos ay sinisingil sa mga government health programs.

Iniuugnay si Yukee sa operasyon ng apat na wound-care clinics sa Texas, Nevada, California, at Hawaii, kung saan umano’y nagbabayad ng ilegal na kickbacks kapalit ng patient referrals.

Base sa imbestigasyon, pinapeke rin umano ang medical records ng mga pasyente at naniningil para sa mga serbisyong hindi naman kinakailangan, habang nakatatanggap ng milyon-milyong dolyar na kickbacks.

Ayon pa sa mga prosecutors, ginamit umano ang mga nakuhang pera sa luho at mamahaling ari-arian, kabilang ang Ferrari supercar na nagkakahalaga ng mahigit US$500,000, mga alahas tulad ng Bulgari necklace na nagkakahalaga ng US$865,000, isang bahay sa Hawaii na tinatayang US$1 million, at isang beach resort project sa Santa Ana, Cagayan sa Pilipinas na umabot sa US$4.6 million.