KORONADAL CITY – Inaasahan ang pagdagsa ng maraming tao sa bayan ng Sto Nino upang magpaabot ng kanilang pakikiramay at pamamaalam sa pumanaw na alkalde na si Mayor Pablo Matinong Jr kasabay sa paghatid sa kaniya sa kaniyang huling hantungan ngayong araw, Agosto 1.
Mahigpit na nakatutok ang presensiya ng Sto Nino PNP maging ng mga municipal officials upang matiyak ang seguridad at maobserbahan ang mga minimum health protocols sa nasabing malungkot na araw.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Sto Nino Municipal Administrator Jofrey Frenal sa mga vulnerable sector katulad ng mga matatanda, buntis, maysakit at mga bata na manatili na lamang sa bahay at ipanalangin na lamang si Mayor Abog.
Una nang sinabi ng opisyal na dakong alas-7:00 ng umaga ay may isasagawang misa at pagkatapos ay dadalhin ang labi ni Mayor Matinong sa municipal hall para sa last viewing bago ihatid sa kaniyang huling hantungan sa Sto. Nino public cemetery.
Umaasa si Frenal na sana’y makamit na ang hustisya para sa pinaslang na alkalde at mapanagot ang mga maysala na bumaril kay Matinong.
Kung matatandaan, binaril ng riding-in-tandem suspects si Mayor Matinong sa bahagi ng Prk. Libertad, Brgy Poblacion noong nakaraang buwan habang nag-iinspeksyon ito sa mga isinasagawang mga proyekto sa kaniyang bayan.