-- Advertisements --

Makatatanggap ng pinakamataas na dagdag-sahod sa kasaysayan ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Francis Tolentino, dalawang tranches matatanggap ang P85 kada araw na dagdag-sahod.

Simula sa Hulyo 19, 2026, madaragdagan ang sahod ng P60 kada araw, at sa Enero 20, 2027 naman mararamdaman ang natitirang P25.

Matapos ang implementasyon, tataas ang minimum wage sa non-agricultural sector mula P695 tungo sa P780 kada araw, habang ang agricultural at retail sector (may 15 empleyado pababa) ay magiging P743 kada araw.

Tinatayang mahigit 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang direktang makikinabang sa bagong wage order, habang 1.9 milyong full-time workers na kumikita nang higit sa minimum wage ay maaari ring makinabang sa wage adjustment.

Ayon sa DOLE, layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang dignidad ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Sinabi ni Secretary Tolentino na personal na itinulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang wage hike bilang tugon sa panawagan ng mga labor groups.

Pinuri rin ng DOLE ang mga major business at employers’ groups sa Metro Manila sa pagsuporta sa “balanced wage increase” na katanggap-tanggap sa parehong sektor ng manggagawa at negosyo.

Ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–NCR (RTWPB-NCR) ang nagrekomenda ng bagong wage order matapos ang serye ng public consultations at socio-economic reviews.

Ang P85 increase ay itinuturing na pinakamataas sa kasaysayan ng NCR, mas malaki kaysa sa P40 hike noong 2024.

Inaasahang magpapalakas ito sa purchasing power ng mga manggagawa, ngunit magdudulot din ng pressure sa micro at small enterprises.

Magsasagawa ang DOLE at RTWPB-NCR ng information campaign upang matiyak ang pagsunod ng mga employer sa bagong wage order.