-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Maituturing na pinakamalamig na winter season ang nararanasan ngayon na panahon sa Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez, sinabi nito na bumaba hanggang sa -42°C ang nararanasan ngayon na temperatura sa ilang bahagi ng Japan habang sa central part naman ng Japan ay nakakaranas ng mas malamig na temperatura sa -36°C.

Saad ni Galvez na ang nararanasang heavy snow fall sa Japan ay nagdulot ng pagkaputol at pagkaantala ng mga transportation services sa nasabing bansa gaya na lamang ng Japan Airlines at All Nippon Airlines (ANA) na nagkansela na ng higit pa sa 400 na mga flights simula pa noong Martes, Enero 24.

Maliban dito aniya ay kanselado na rin ang transport services ng mga tren at railroad systems, mga bus, at iba pa, sapagkat nakakaranas din ang maraming bahagi ng Japan ng zero visibility at 3-talampakang taas ng niyebe, at madulas na daan na bunsod ng matinding snowfall.

Dagdag pa nito na ang pagkaantala sa mga nasabing serbisyo ay malaki rin ang naging epekto sa mga negosyo, pagpasok sa trabaho, at pagpasok din ng mga estudyante sa paaralan.

Huli naman ani Galvez na naitala ang matinding snow sa Japan isang dekada na ang nakalilipas.

Patuloy naman ang paalala ng mga kinauukulan ng nasabing bansasa publiko na patuloy na mag-ingat sapagkat maaari pa ring makaranas ang Japan ng matinding snow at pag-ulan sa mga susunod na araw ayon sa forecast ng Japan Meteorological Agency.