-- Advertisements --

Isang bagong pag-aaral ang nagbibigay-linaw ngayon kung paano nabuo ang Grand Canyon at kung kailan dumaloy dito ang tubig mula sa Colorado River na nag-ukit sa isa sa pinakamalalalim na bangin sa mundo.

Ayon sa mga mananaliksik, gumamit sila ng maliliit na mineral na tinatawag na zircon na natagpuan sa mga sediment at abo ng bulkan upang matunton ang dating daloy ng ilog. Sa pamamagitan nito, natukoy nila ang posibleng kasaysayan ng ilog sa loob ng milyun-milyong taon.

Ipinapakita rin sa pag-aaral na humigit-kumulang 6.6 milyong taon na ang nakalipas, nagsimula umanong dumaloy ang ilog sa isang malaking basin sa hilagang-silangan ng Arizona, na bumuo ng isang malawak na lawa.

Sa paglipas ng panahon, umapaw ang tubig ng lawa at nagsimulang umagos patungo sa ilang mga lugar na naging Grand Canyon mga 5.6 milyong taon na ang nakalipas.

Patuloy na umagos ang ilog hanggang makarating ito sa Gulf of California mga 4.8 milyong taon na ang nakalipas.

Ayon sa mga siyentipiko, ang dating lawa na tinawag nilang “Bidahochi Lake” ay tuluyan nang nawala at dati umanong matatagpuan sa bahagi ng kasalukuyang Navajo Nation.

Ipinaliwanag din ng mga eksperto na ang Grand Canyon ay patuloy na nabubuo hanggang sa ngayon dahil sa patuloy na pagguho ng bato ng Colorado River, na tinatayang lumalalim ng daan-daang talampakan kada milyong taon.

Sa kabuuan, binibigyang-diin ng pag-aaral na ang Grand Canyon ay produkto ng milyun-milyong taon ng pagbabago sa kalikasan—proseso na patuloy pa ring nangyayari hanggang sa kasalukuyan.