-- Advertisements --

Puspusan ngayon ang ginagawang search and rescue operation sa isang Pilipinong mangingisda na napaulat na nawawala matapos mabangga ang kanilang motorbanca ng isang hindi pa natukoy na barko habang nasa Burias island sa lalawigan ng Masbate.

Batay sa imbestigasyon ng Coast Guard Station Masbate, lumabas na dakong alas-2 ng umaga noong Agosto 10, nabangga ng naturang unidentified vessel ang fishing motorbanca na MBCA Dandan kung saan natutulog noon ang magkapatid na mangingisdang sina Roland at Roldan Marientes nang mangyari ang collision.

Bandang alas-11 na ng umaga ng masagip ang nakatatandang mangingisda na si Roland Marientes subalit ang nakababatang kapatid nito ay nananatiling nawawala.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CG Sub-Station San Pascual sa Masbate sa mga karatig barangay gayundin sa mga lokal na mangingisda sakaling mamataan ang nawawalang mangingisda.