Wala pang naitatalang kaso ng Anthrax ang Pilipinas simula 2019 hanggang 2021 ayon sa Department of Health.
Wala pa ring naitatalang kaso nito ngayong taon sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng pagtaas ng kaso sa ibang bansa partikular na sa Laos.
Siniguro naman ng Department of Health ang publiko na hindi ito kasing dali ng flu kung makahawa. Anila, ‘very low’ risk ang publiko na mahawa nito.
Mas mataas kasi ang tiyansa na mahawa ng Anthrax ang mga beterinaryo, magsasaka, livestock personnel, at iba pang manggagawa na humahawak o nag-aalaga ng hayop.
Hindi rin daw ‘for general population’ ang bakuna laban sa Anthrax dahil ito ay partikular lamang sa mga ‘high risk’ na mahawaan nito.
Gayunpaman, inabisuhan ng DOH ang publiko na maaari silang makaligtas sa Anthrax sa pamamagitan ng pag-iwas sa “raw or undercooked meat or meat products.”
Nangako rin ang kagawaran na patuloy nilang imo-monitor ang kaso nito sa ibang bansa at makikipagtulungan sa Department of Agriculture para sa iba pang mga hakbang ng gobyerno laban sa Anthrax.
Ang Anthrax ay dahil sa bacteria na kung tawagin ay bacillus anthracis at maaaring mahawaan ang mga hayop sa pamamagitan ng paghinga at pag-ingest ng spores. Maaari naman itong magamot sa pamamagitan ng antibiotics.