
Naitala ng Pilipinas ang mahigit 1.3 million na bilang ng mga nairehistrong ipinanganak noong nakalipas na taon.
Batay sa talaan ng Philippine Statistics Authority, mula Enero hanggang Disyembre ng nakalipas na taon ay umabot sa 1.38 million ang nairehistrong bilang ng mga naipanganak.
Mas mataas ito ng 1.3% kumpara sa bilang ng mga nairehistrong naipanganak noong 2021, o katumbas ng 1.36million na mga sanggol.
Naitala sa National capital Region ang pinakamaraming nairehistrong naipanganak na may kabuuang 143,115.
Ito ay mas mababa ng 11.1% kumpara sa naitala noong 2021 na may kabuuang 160, 946 na registrants.
Sa mga Probinsya naman, nangunguna ang Cavite sa may pinakamaraming nairehistrong naipanganak, na umabot ng 54,507. Ito ay katumbas ng 3.9% ng kabuuang bilang ng naipanganak sa buong bansa sa nasabing panahon.
Sinundan naman ito ng probinsya ng Cebu na may kabuuang 49,947 habang pangatlo ang probinsya ng Bulacan na may 47,893 na nairehistro.
Sa kabila nito, bumaba naman ang naitalang bilang ng mga namatay sa kabuuan ng 2022 kumpara sa 2021.
Mula Enero hanggang Disyembre ng 2022, naitala lamang ang 664,221 na bilang ng mga namatay habang naitala noong 2021 ang hanggang 879,429 na katao.
Mas mababa ito ng 24.5%.
Naitala ng CALABARZON Region ang pinakamalaking bilang ng mga namatay na may kabuuang 97,588 na katao.









