-- Advertisements --
OCD

Inihayag ng Office of the Civil Defense (OCD) na kasalukuyan na itong naghahanda para sa posibleng deployment ng mga emergency medical at rescue team sa bansang Turkey.

Kasabay ito ng pakikisimpatya ng Pilipinas sa mga biktima at naapektuhan ng lindol sa nasabing bansa matapos itong matamaan ng malakas na pagyanig na dulot ng magnitude 7.8 na lindol kahapon na nagmitsa ng pagkasawi ng maraming mga indibidwal.

Ayon kay Office of the Civil Defense spokesperson Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na raw ang kanilang hanay sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan upang bumuo at kumalap pa ng mga manpower at kagamitan na posibleng ipadala sa Turkey.

Ito ay bilang tugon sa hiling ng Embassy of the Republic of Turkey sa Maynila ng dagdag assistance para sa kanilang bansa sa aspeto ng Emergency Medical and Urban Search and Rescue Teams.

Sa ulat, nabatid na pumalo na sa 2,316 ang bilang ng mga nasawi sa Turkey nang dahil sa nasabing lindol, habang nasa 1,297 naman ang mga namatay sa Syria, na nagdala sa kabuuang 3,613 na bilang ng mga nasawi sa nasabing mga lubhang apektadong lugar.

Hanggang sa ngayon ay wala pa namang napapaulat na mga Pilipinong nasaktan mula sa naturang insidente ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Ankara.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi maaapektuhan ng nasabing lindol ang ating bansa dahil malayo aniya ito at hindi konektado sa mga active fault ng Pilipinas ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagbababala ng ahensya sa publiko na palaging maging handa at alerto dahil ang pangyayaring ito ay posible rin maranasan sa bansa.