-- Advertisements --

Tinatapatan ng Department of Health (DOH) ang ulat ng isang pahayagan sa Singapore na nagsabing Pilipinas ang posibleng susunod na epicenter ng COVID-19 sa Southeast Asia.

Ayon sa Health department, kaya mataas ang naitatalang kaso ng bansa sa sakit, ay dahil mataas din ang testing capacity ng estado.

“Philippines has taken the top spot in terms of testing capacity in the entire Southeast Asian region, with the country having tested more unique individuals than its economically advanced neighbor countries.”

Batay sa datos ng ahensya noong August 4, umabot na sa 1.6-milyong tests ang nagawa ng mga lisensyadong laboratoryo. Pumapalo naman sa halos 29,000 tests kada araw ang nagawa ng mga laboratoryo sa nakalipas na pitong araw.

“This is significantly higher than Indonesia which has tested a total of around 908,000 as of August 4, and testing an average of 14,291 per day within the last 7 days according to Our World in Data.”

Paliwanag ng Health department, isa lamang ang testing sa 5-point strategy na ginagawa ng pamahalaan para labanan ang pagkalat ng pandemic na sakit.

Pero nagbigay daan daw ito para palakasin ang iba pang hakbang tulad ng disease surveillance strategies at paghahanap sa active cases.

Sa artikulong inilabas ng The Strait Times, nakasaad na posibleng Pilipinas ang bagong epicenter ng COVID-19 sa rehiyon dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit.

Nitong Huwebes, pumalo na sa halos 120,000 ang total cases ng Pilipinas. Mas mataas na sa Indonesia, at ang pinakamataas na numero ng confirmed cases sa Southeast Asia.

Sa kabila nito, iginiit ng DOH na mababa ang case fatality rate ng bansa sa 1.8% kumpara sa 4.7% rate ng Indonesia.

“DOH, in coordination with the National Task Force Against COVID-19, and other line agencies recently implemented a revitalized response strategy which shifts focus toward localized, community-centered responses to support Local Government Units in containing identified clusters.”

Nitong Huwebes, iniulat din ng ahensya na nasa 100 na ang bilang ng lisensyadong laboratoryo sa Pilipinas para sa COVID-19 test.