Binuksan na muli ng pamahalaan ng India ang pag-export ng mga non-basmati rice sa ilang mga bansa kung saan ang pinakamalaking bulto nito ay nakalaan para sa Pilipinas.
Batay sa inilabas na desisyon ng Indian Foreign Trade, ang Pilipinas ay makakakuha ng kabuuang qouta na 295,000 metric tons (MT).
Maliban sa Pilipinas, ilang mga bansa rin ang makikinabang sa panibagong desisyon ng naturang bansa.
Kabilang na dito ang Nepal, Cameroon, Ivory Coast(Cote d’ Ivoire), Papua New Guinea, Malaysia, at maging ang Seychelles.
Maalalang unang sinuspinde ng India ang pagpapalabas o pagbebenta ng mga bigas sa ibang mga bansa dahil sa pangamba nitong kukulangin ang domestic supply.
Ang white rice ay ang nangungunang variety ng bigas na pinakakaraniwang inaangkat sa global market, lalo na sa mga bansang mula sa Asya.
Sa panig ng Pilipinas, una nang umapela ang Marcos Administration sa pamahalaan ng India para payagan ang pag-export ng bigas sa Pilipinas.
Maalalang una nang sinabi ng United States Department of Agriculture na maaaring papalo sa 3.8 million metriko tonelada ang aangkatin ng Pilipinas na bigas ngayong taon.
Una ring sinabi ng naturang ahensiya na ang Pilipinas ang magiging pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo, na maaaring malagpasan pa ang bansang China.