Kwalipikado na ang Pilipinas para sa visa-free travel program ng Canada.
Ito ay matapos na ianunsyo ng Canada ang 13 mga bansa, kabilang ang Pilipinas sa mga napasama sa pagpapalawak pa nito ng kanilang visa-free travel program.
Ayon kay Canadian Minister for Immigration, Refugees and Citizenship Sean Fraser, ang naturang kautusan ay epektibong agad na ipapatupad.
Aniya, ang mga bisitang mayroong Canadian visa sa nakalipas na 10 taon o ang mga kasalukuyang mayroong hawak na valid United States non-immigrant visa ay pahihintulutan na ring bumisita sa pamamagitan ng pag a-apply para sa electronic travel authorization.
Ito aniya ay nangangahulugan lamang na mas marami pang mga indbidwal mula sa Pilipinas ang maaari nang magtungo at makabisita sa kanilang bansa nang walang nararanasang hirap sa pagsasa-ayos ng mga requirements para magkaroon ng visa.
Kaugnay nito ay naniniwala din ang Canadian official na ito ay makakatulong din upang mapalaki pa ang travel, tourism, at economic benefits, gayundin ang pagpapatibay pa sa samahan ng Pilipinas at Canada.
Samantala, bukod dito ay suportado rin ng Indo-Pacific Strategy ng Canada ang naturang inisyatiba na naglalayong patatagin pa ang people-to-people relationship nito sa kanilang bansa, at gayundin sa buong Indo-Pacific region, kabilang na ang Pilipinas.