
Kinondena ng Pilipinas ang paglulunsad ng North Korea kamakailan ng international ballistic missile test na nagdudulot aniya ng tensiyon sa buong mundo.
Inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang pahayag matapos na magpaputok ang North Korea noon lamang Pebrero 18 ng isang long-range ballistic missile sa karagatan ng Japan bilang mariing tugon sa nalalapit na pagsasagawa ng military drills ng South Korea at Amerika.
Ibinabala ng ahensiya na ang naturang mga missile test ay maaaring mag-udyok ng tensiyon at makasira sa kapayapaan at stability sa Korean Peninsula, sa rehiyon at sa buong mundo.
Muling binigyang diin ng Pilipinas ang panawagan nito sa North Korea na agarang itigil ang nasabing mga missile test.
Hinimok din ng Pilipinas ang North Korea na sumunod sa mga resolution ng United Nations Security Council at magkaroon ng diplomasiya at mapayapang dayalogo sa South Korea.
Magugunitang una ng ring hinimok ng Pilipinas ang North Korea noong nakalipas na taon na itigil ang kanilang missile test dahil makakapagpalala lamang ito sa greopolitical tensions.










