Bukas ang Pilipinas sa mga negosyo nang hindi nangangailangan ng mga pag-amyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ito ang idineklara ng mga senador sa ikalawang pagdinig ng Senate Subcommittee on Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6).
Sa hearing, binanggit nina Senators Sonny Angara, Grace Poe, Risa Hontiveros at JV Ejercito ang pag-amyenda sa Public Service Act (PSA) at iba pang nauugnay na batas na naglalayong makaakit ng mga foreign investments
Inihayag din ng mga senador ang mga pagbabago sa Foreign Investment Act at Retail Trade Liberalization Act.
Sa umpisa ng pagdinig, binalangkas ni Angara ang mga pangunahing elemento ng mga pagbabago, na una nang ipinresenta sa pamamagitan ng batas na itinaguyod ni Poe at co-sponsored ni dating Senador Franklin Drilon.
Aniya, tiniyak ng amendments na ang 60-40 foreign equity limitation ay tumutukoy sa mga essential public utilities tulad ng pamamahagi at paghahatid ng kuryente, petrolyo at mga produktong petrolyo, pipeline transmission system, water pipelines distribution systems, waste water pipeline systems, seaports at public utility vehicle.
Binigyang-diin ni Angara ang empowering provisions na ipinagkaloob sa Pangulo kung saan ito ay mahalagang kapangyarihan upang pangasiwaan ang public utitilies, at protektahan ang ating pambansang seguridad at interes.
Samantala, pinabulaanan naman ni Poe, isa sa mga may akda at nagtaguyod ng batas na nag-aamyenda sa Public Service Act, ang mga pahayag na ang ekonomiya ng bansa ay sarado sa mga foreign investors.
Ayon kay Poe, ang pag-amyenda sa PSA, ay may mahalagang papel sa paghimok sa mga bagong mamumuhunan sa mga sektor tulad ng airports, railways, expressways and telecommunications.
Bukod dito, nagbabala naman si Hontiveros laban sa mga pontensyal na panganib ng mga susunod na kongreso na ibibigay ang kontrol sa mga state-owned foreign companies na maaaring banta sa seguridad ng bansa.
Aniya, sa mga nakaarang isyu tulad ng Mandarin manuals na matatagpuan sa National Grid Corporation of the Philippines, binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng Filipino ownership sa mga critical infrastructure.
Nagbabala rin si Ejercito sa pagmamadali na amyendahan ang Konstitusyon dahil ito ay kumplikado.
Gayunpaman, binigyang-diin ng senador ang pagpasa ng Public-Private Partnership Code na naglalayong pahusayin ang mga serbisyo, imprastraktura, enerhiya, at mga kagamitan na kung saan dapat aniyang bigyan ng pagkakataon na maipakita ng resulta bago isaalang-alang ang karagdagang mga pagbabago sa konstitusyon.