Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang Pilipinas ay nakatuon sa paghabol sa mga organized at big drug groups sa pamamagitan ng “effective, focused, and dedicated law enforcement.”
Aniya, suportado ng DOJ ang pagsasagawa ng executive review ng Dangerous Drugs Act of 2002 matapos itong makatanggap ng mungkahi mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagpupulong ng isang inter-agency group para pag-aralan at magrekomenda ng mga pagbabago sa batas.
Dagdag pa ni Remulla, inatasan din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga law enforcement ng bansa na habulin ang mga sindikato ng droga sa halip na street-level players.
Samantala, naunang binanggit ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang kamakailang bilang ng mga ilegal na droga na nakumpiska ng Philippine National Police sa pagsisikap nitong habulin ang mga sindikato at hindi lamang ang maliliit na suspek.
Sinabi ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na tinututukan ng kanilang ahensya ang mga “top-tier” na suspek.
Sinabi ni Carreon na 15,271 high-value target, na kumakatawan sa mga lokal at dayuhang sindikato, ang naaresto mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2022.