Muling nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos nga na magpalitan ng radio challenge ang dalawang bansa sa kasagsagan ng isinasagawang misyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa naturang lugar para sa mga Pilipinong mangingisda.
Sa ulat, sinabing habang nagsasagawa ng monitoring ang sasakyang panghimpapawid ng BFAR sa naturang misyon sa may bahagi ng Bajo de Masinloc shoal ay nakatanggap ito ng radio challenges mula sa Chinese Navy warship na nagbababala hinggil sa pagpasok umano ng mga barko at aircraft ng pilipinas sa huangyan island ng china na ipinipilit nilang nasasakupan ng kanilang teritoryo.
Bagay na agad namang sinagot ng co-pilot ng eroplano ng BFAR na si Col. Charles Manalo kung saan binigyang-diin niya na sila ay nagsasagawa ng isang lawful maritime patrol sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kasabay nito ay ipinunto rin ni Manalo ang nakasaad sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea na malaya ang ating bansa sa pag o-operate sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Bukod dito ay may namataan din na mga floating barriers sa bukanang bahagi ng Bajo de Masinloc, at gayundin ang presensya ng maraming mga barko ng China na nagkukumpulan sa naturang shoal.
Samantala, sa kabila nito ay iniulat pa rin naman ng BFAR na naging matagumpay pa rin ang kanilang isinagawang misyon para sa 16 na mother boat ng mga Pilipinong mangingisda sa WPS kung saan nakapaghatid ang mga ito ng mga pagkain, tubig, at fuel assitance sa kasagsagan ng kanilang isinagawang humanitarian mission.