-- Advertisements --

Muling binalikan ni Senator-Judge Pia Cayetano ang ilang insidente na kinasasangkutan ng National Bureau of Investigation (NBI) habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules.

Sa kanyang interjection tinanong ni Cayetano si NBI Director Melvin Matibag tungkol sa insidente ng barilan sa Senado noong Mayo, kung saan nagkaroon ng warning shots sa pagitan ng mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms at mga ahente ng NBI.

Ayon kay Matibag, wala siya sa lugar noong nangyari ang insidente at nasa isang hotel siya para sa isang aktibidad ng NBI.
Sinabi rin niya na kaya nasa gusali ng GSIS ang mga ahente ng NBI ay upang mag-secure ng lugar matapos hilingin ni GSIS President Jose Arnulfo “Wick” Veloso.

Ngunit ayon kay Cayetano nasa GSIS building din ang gusali ng Senado kasabay na ipinakita ang screenshot ng address ng Senado na nakalagay sa kanilang website.

“Nag-iisa lang naman po ang address namin… yung lugar kung saan nakita yung tao mo, likod lang po yun ng opisina ni Sen.Loren [Legarda],” ani Pia Cayetano.

Kinuwestyon din ng senadora ang pahayag ni Matibag na walang nasaktan nang tangkain ng NBI na arestuhin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa noong Mayo 11.

Ayon kay Sen. Pia, mayroong video na nagpapakita umano na may tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms na nasaktan sa insidente.

“We have a video… Alam po ng lahat ng kasamahan natin na yung OSAA, ‘yung ating personnel ay binugbog, may video po tayo niyan,” saad pa ni Cayetano.

Dahil natapos na ang kanyang oras sa pagtatanong, sinabi ni Cayetano na maaari niyang ipakita ang video kung nais itong makita ng iba pang senador.

Samantala sinabi naman ni Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng impeachment court, na hindi siya maaaring magbigay ng komento sa motibo ng mga tanong ng mga senator-judge.
Ngunit ayon sa kanya, maaaring sinusubukan lamang ni Cayetano na suriin kung mapagkakatiwalaan ang testigo.

Dagdag ni Tongol, bahagi lamang ito ng proseso ng korte upang malaman kung ang isang testigo ay kapani-paniwala at kung gaano kabigat ang maaaring ibigay na halaga sa kanyang mga pahayag.