-- Advertisements --

Ipinapaalala ng Department of Trade and Industry (DTI) na bawal ang online selling ng mga gamot, supplies, at food supplements kung walang physical store para sa mga ito.

Ayon kay Trde Undersecretary Ruth Castelo, hindi maaring magbenta online ng mga food supplements o essential drugs kapag walang license to operate sa physical store.

Sinabi naman ni Dr. Melissa Guerrero ng DOH Health Technology Assessment Unit na ang mga drugstores ay kailangan na mayroong trained pharmacists para makakuha ng license to operate mula sa Food and Drugs Administration (FDA).

Ito ay para maiwasan na rin ang posibleng panganib nang pagbili ng mga health products mula sa mga online stores na walang pharmacists na makapagbigay nang wastong payo at magbigay ng gamot sa mga mamimili.

Sinabi ni Guerrero na mayroong kaakibat na “criminal sanctions” para sa mga nagbebenta ng health products online na walang pasilidad na pasok sa standards at trained medical professionals.

Hanggang noong Mayo 28, sinabi naman ni Castelo na nakatanggap ang DTI ng mahigit 4,000 consumer complaints patungkol sa online transactions.