-- Advertisements --

Dalawang medalya ang nasundot ng Philippine National Fencing Team nitong araw para madagdagan pa ang medal tally ng bansa sa nagpapatuloy na ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.

Nakopo nina Harlene Raguin, Hanniel Abella, at Anna Gabrielle Estimada ang gold medal sa Women’s Epee Event makaraang hampasin ang koponan ng Singapore.

FENCING EPEE SEA GAMES

Nanguna sa kompetisyon ang koponan ng Pilipinas matapos na makapagtala ng score na 45-38 kontra Singaporean fencers.

Hindi naging maganda ang pagsisimula ng laro para sa Pilipinas pero pagsapit ng round 8 ay nakakuha ng momentum si Raguin para lamangan ang katunggali, 36-34.

Hindi na pinakawalan pa ni Abella ang pagkakataon na ito upang masiguro ang panalo para sa Pilipinas.

Nagtapos naman sa ikatlong puwesto o bronze medalist ang Team Philippines sa Men’s Foil Event.

Kinapos kasi sina Michael Nicanor, Nathaniel Perez, Jaime Viceo at Shawn Nicolai sa laban kontra Thailand, 40-45, sa semifinal round.

FENCING WOMEN

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng actor at SEA Games medalist na si Richard Gomez na ipinagmamalaki niya ang tagumpay ng Philippine National Fencing Team ngayong araw.

Kasabay nito ay umaapela rin si Gomez sa publiko na patuloy na suportahan ang mga Pinoy fencers sa mga susunod na araw.