-- Advertisements --

Naghahanda na raw ang gobyerno para sa ihahatid na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) donation sa Myanmar.

Sinabi ni Acting Presidential Spokesperson and Communications Secretary Martin Andanar na sa ngayon ay patuloy na raw ang pagsasagawa ng legal documentation processes para sa pagbibigay ng mga bakuna sa naturang bansa.

Sinabi ni Andanar natanggap na raw ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang sulat para sa proper documentation ng planong pagbibigay ng Pilipinas ng bakuna sa naturang bansa.

Pirmado raw ni Health Secretary Francisco Duque III ang naturang sulat kasama si National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.

Noong Linggo, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na nasa 27 million doses ng Covid-19 vaccines ang mag-e-expire na sa buwan ng Hulyo.

Dahil dito, todo ngayon ang panawagan ni Concepcion sa pamahalaan na iturok na ang 27 million doses ng COVID-19 vaccines na binili ng bansa.

Bahagi raw ito ng natanggap na ng bansa na 237 million vaccine doses.

Pero sa ngayon nasa 140.7 million pa lamang ang naituturok at 27 million naman ang mag-e-expire.

Nasa 64.332 million ang nagamit sa first doses, 65.885 sa ikalawang dose at 12.018 million para sa booster doses.

Noong Enero, sinabi ng Department of Finance (DOF) na mayroon na raw na-secure ang bansa na $800 million o P40 billion na halaha ng loan financing mula sa multilateral lenders para pambili ng booster shots.