-- Advertisements --

Hindi nagpadala ng mga barko ang Philippine Navy sa Julian Felipe Reef sa kabila ng presensya ng mga Chinese vessels upang sa gayon ay hindi na rin lumala pa ang tensyon sa lugar.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang maaring ipadalang mga barko ng Pilipinas sa ngayon ay iyong mga hawak ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ayaw kasi nilang matawag ang Pilipinas nang nag-uudyok ng anumang gulo at militarisasyon sa pamamagitan nang pagpapadala ng mga barko ng Navy sa lugar.

Pero kinukonsidera naman aniya ng National Task Force West Philippine Sea ang rekomendasyon na magpuwesto ng isang barko sa Julian Felipe Reef tulad ng ginawa ng bansa sa Ayungin Shoal.

Mababatid na Marso 7 nang sinabi ng Philippine Coast Guard na may namataan silang nasa 226 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef, na pasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa, ayon kay Lorenzana.

Ang numero ay nabawasan pa, na sa kasalukuyan ay 183 na lamang, ayon sa kalihim.

Nauna nang umapela si Lorenzana sa China na alisin na ang kanilang militia vessels, at sinabing nilalabag ng presensya ng mga ito ang maritime rights at sovereignty ng Pilipinas.

Naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas kontra China dahl sa presensya ng mga Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.