-- Advertisements --

Aabot sa 10 million pang COVID-19 vaccines ang bibilhin ng gobyerno mula sa Sinovac Biotech ng China, ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr.

Sa ngayon kasi, nagamit na ng bansa ang 26 million Sinovac jabs na dumating sa mga nakalipas na buwan.

Bibili aniya sila ng karagdagan pang supply ng naturang bakuna para matiyak na steady ang supply na mayroon ang bansa.

Sinabi ni Galvez na mura nilang bibilhin ang karagdagang supply ng Sinovac COVID-19 vaccines kung ikukumpara sa orihinal na presyuhan.

Bukod dito, nakipagnegosasyon din sila sa US biotech firm Pfizer para sa delivery naman ng nasa 5 million doses ng kanilang COVID-19 vaccine sa Setyembre.

Sa susunod na buwan, inaasahan ng pamahalaan na darating ang 20 hanggang 25 million.

Sa ngayon, nasa 13.1 million katao pa lang ang fully vaccinated na sa Pilipinas.