Nag-abiso ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa mga naglalayag na sea vessel sa may Bajo de Masinloc o Scarborough shoal na mag-ingat sa floating debris mula sa Chinese rocket na inilunsad nitong nakalipas na araw.
Ayon sa inilabas na advisory ng ahensiya ngayong araw, dakong alas-2:27 ng hapon nitong Biyernes oras sa Pilipinas naglunsad ng rocket ang China mula sa Jiuquan Space Launch Center sa Gobi Desert, Inner Mongolia.
Base sa Notice to Airmen na inisyu ng Civil Aviation Administration of China to the Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), inaasahan ng Philippine Space Agency na ang unburned debris mula sa rocket na pumasok sa outer space ay inaasahang babagsak sa 398 kilometro mula sa Scarborough Shoal.
Ayon pa sa ahensiya na maliit ang posibilidad na bumagsak ang debris sa kalupaan o inhabited areas sa loob ng teritoryo ng Pilipinas subalit maaari aniyang mapadpad ang discarded debris malapit sa mga karagatan.
Nagpaalala naman ang PhilSA sa publiko laban sa pagkuha o paglapit sa debris dahil posibleng naglalaman ito ng remnants ng nakakalasong substance gaya ng rocket fuel.
Sa halip ay agad na ipaalam sa local authorities sakaling makita ang debris ng rocket para sa agarang aksiyon.