Nakahanda na raw ang mga transportation sector sa inaasahang pagbuhos ng mga biyahero na uuwi sa kanilang mga probinsiya para sa All Saints’ Day sa Nobyembre 1.
Ayon kay transport secretary Jaime Bautista, ang air, land at sea travel units ay pinalawak na rin para ma-accommodate ang inaasahan nang pagtaas ng bilang ng mga pasahero dahil na rin sa long weekend.
Sinabi ni Bautista na ang mga barko, lalo na doon sa Batangas patungong Mindoro at iba pang destination sa South Luzon ay handa na para suportahan ang pangangailangan ng mga mananakay para sa Undas.
Maliban sa pinaluwag na travel restrictions dalawang taon mula nang magkaroon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ang Undas ngayong taon ay siguradong dudumigin ng mga tao matapos luwagan ang restrictions sa pagpasok sa mga smementeryo.
Nakatakda ring ilunsad ang travel ports para sa annual “Oplan Biyaheng Ayos” ngayong linggo para sa passenger assistance.
Sa bahagi naman ng Manila International Airport Authority (MIAA), base sa kanilang inilabas na statement magtatayo rin ang mga ito ng help desks sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinabibilangan ng public affairs, operations, police at medical personnel.
Maliban dito, sinabi ng MIAA na imo-monitor din ng mga ito ang congestion at mahahabang pila para masiguro ang critical airport infrastructure, equipment at back-up systems na nakahanda nang gamitin.
Noong buwan ng Agosto, ang buwanang pasahero ng NAIA ay tinatayang nasa tatlong milyon o 77 percent ng pre-pandemic levels.
Ang domestic air traffic ay nasa 1.94 million passengers ay tumaas na rin ng 109 percent o nalagpasan na ang bilang ng mga travelers na naitala sa parehong period noong 2019.
Mayroon ding karagdagang bus na bibigyan ng special permit ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para magbigay ng serbisyo sa mga pasahero sa holiday.