Muling nakapagtala pa ng pagbaba sa bilang ng focus crimes sa bansa ang Philippine National Police.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Kampo Crame sa bahagi ng Quezon City ay ibinida ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na batay sa datos na inilabas ng Directorate for Investigation and Detective Management, nabawasan ng 1,167 incidents ang naitala nito.
Mula kasi sa dating 16,469 na bilang ng eight focus crime na naitala sa bansa noong taong 2021 ay bumaba na ito sa 15, 482 ngayong taon.
Ang naturang datos na iniulat ng pulisya ay sinasabing nasa 6% ang katumbas na pagbaba sa focus crimes sa bansa sa loob lamang ng limang buwan mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 30.
Kabilang sa mga nasabing eight focus crimes ang theft, physical injury, rape, robbery, murder, homicide, motorcycle theft at vehicle theft.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ng pambansang pulisya na sa taong ito ay pumalo naman sa 92.64% ang crime clearance efficiency, bahagyang mas mababa kumpara sa 94.73% na una nang naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Habang nasa 61.28% naman ang kabuuang bilang ng crime solution efficiency ngayong taon mula sa una nang naitala noong 61.28% noong nakalipas na taon.
Bumaba rin sa 5.32% o 56,554 ang naitalang non-index crimes sa Pilipinas mula Agosto hanggang Nobyembre ng taong ito, mula sa dating 59, 734 na una nang napaulat sa kaparehong panahon noong taong 2021.