-- Advertisements --

ko1

Nagpasaklolo na ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa Kamara maging sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga kaso ng kidnapping sa bansa.

Personal na nagtungo sa opisina ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa Kamara ang grupo ng PCCI.

Ayon kay PCCI President Lugene Ang sa nakalipas na 10 araw ay mayroon na umanong 56 cases ng kidnapping ang kanilang naitala.

Sinabi ni Ang na ang ganitong insidente ay nakakabahala na at nagdudulot na ng takot sa Filipino-Chinese community sa bansa.

Ibinunyag ni Ang na ang mga biktima sa kidnapping ay hindi lamang mga Fil-Chinese kundi pati mga purong Pilipino at mga bata.

Kaya naman apela ng kanilang grupo sa Kongeso at PNP, magkaroon ng mas aktibong papel at agarang kumilos upang mapigilan ang anumang tangka o pagdami pa ng mga kaso pagdukot ng mga kriminal o sindikato at dapat walang piyansa laban sa mga suspek sa kidnapping.

Umaasa ang PCCI na sana’y maibalik ang “peace and order” sa mga komunidad, upang matiyak ang kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.

Samantala, ayon naman kay PNP Deputy Chief for Administration PMGen. Jose Chiquito Malayo may mga ginagawa na silang hakbang lalo na ang PNP Anti-Kidnapping Group.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP apat na kaso ng kidnapping ang kanilang naitala.

Bina-validate na rin ng PNP ang bilang ng kaso ng kidnapping na ibinigay ng PCCI.

Ayon kay Malayo, ilan sa mga naitalang kaso ng kidnapping ay POGO-related habang ang iba ay regular na kidnapping incident.

Mga dayuhan aniya ang suspek, partikular dito ay mga Chinese din.

Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang PNP sa Filipino-Chinese community sa bansa lalo na dito sa kalakhang Maynila para tugunan ang kaso ng kidnapping.

Ayon naman kay PCCI Secretary General Bengsum Ko karamihan sa mga naitalang kaso ng kidnappings ay sa siyudad ng Pasay, Parañaque, Makati at Taguig.

Sa kabilang dako, hiling naman ni Minority leader Libanan sa PNP na buwagin na ang mga kidnapping syndicates para hindi na lumaki pa ang problema sa bansa.