-- Advertisements --

Handang magbigay ng legal assistance ang Philippine Bar Association (PBA) sa mga “targeted” journalists at media organizations.

Sa isang statement, sinabi ng PBA na batid nila na maaaring “stressful and financially-draining” kapag maharap sa mga kasong kriminal.

Bukod kasi sa mauubos ang oras mo sa pag-atupag sa mga kasong ito, masyado ring magastos ang maharap sa isang kaso.

“The sheer scope and breadth of the targeted journalists, not to mention the amount being asked from each (P200,000,000.00) leave little doubt that this slew of suits will introduce a ‘chilling effect,’” saad ng grupo.

Bilang mga abogado, naniniwala aniya sila sa kahalagahan ng Freedom of the Press at hindi nila kaya na basta lamang manahimik o walang gawin sakali mang mangyari ang pagsasampa ng kaso sa mga mamamahayag.

Hindi aniya nila hahayaan na magamit ang batas sa libel bilang armas laban sa mga maituturing na vanguards ng demokrasya sa bansa.

Sa mga mamamahayag na nangangailangan ng tulong, sinabi ng PBA na maaari lamang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Kamakailan lang, ilang mamamahayag ang kinasuhan nina Energy Secretary Alfonso Cusi at negosyanteng si Dennis Uy dahil sa mga “libelous and false statements” daw ng mga ito hinggil sa Malampaya deal.