-- Advertisements --

Tutulungan ng Philippine Animal Welfare Society ang may-ari ng golden retriever na si Killua na walang habas na pinata ng isang lalaki sa Bato, Camarines Sur.

Ayon sa naturang organisasyon, sa ngayon ay inihahanda na nila ang mga pagsasampa ng reklamo laban sa suspek na may kaugnayan sa violation of Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.

Kung maaalala, una nang sinabi ng offender na self-defense lamang daw ang kaniyang ginawang pamamaslang sa aso.

Ngunit ang mga dahilan na ito ay hindi tinanggap ng grupong PAWS sapagkat makikita sa kuha ng CCTV footage na hinahabol nito ang asong si Killua at paghahampasin hanggang sa mamatay, bagay na hindi anila makitaan ng bakas ng self-defense.

Ayon pa sa naturang grupo, walang dahilan para paslangin ng lalaki si Killua sapagkat maaari naman aniyang tuwamag sa City Veterinarians Office para umaksyon dito kung kinakailangan.

Sa tulong ng mga isinumiteng affidavit ng saksi sa naturang insidente at maging ng nagmamay-ari kay Killua ay tiniyak ng PAWS na makakasuhan ang salarin ng paglabag sa Animal Welfare Act upang papanagutin din sa krimen na kaniyang ginawa.

Sa ilalim ng Animal Welfare Act ay nagpapataw ng parusa sa mga nang-aabuso at nangmamaltrato sa mga hayop ng pagkakakulong ng hanggang dalawang taon, pagmumulta, o pareho depend sa magiging desisyon ng korte.

Samantala, bukod sa kaso ng golden retriever na si Killua ay nanawagan din ang PAWS sa iba pang mga saksi sa mga insidente ng animal cruelty kabilang na ang pananaksak ng isang Korean national sa isang aso, at ang cannibalism ng mga pusa sa isang pound nang dahil sa kapabayaan at hindi tamang pagpapakain, na dumulog sa kanilang tanggapan para kaukulang aksyon sa ganitong mga krimen.