Pinuna ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pangangarag ng PhilHealth noong nakaraang taon nang banggitin ng state health insurer na mamatay ang ahensya ngayong 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, natuklasan na ang 2020 net income ng PhilHealth ay pumalo pa ng hanggang P30.1 billion.
Ayon kay Quimbo, taliwas ito sa sinasabi ng PhilHealth sa pagdinig ng Kamara noong 2020 na inaasahan nilang aabot sa P86 billion ang net loss ng state health insurer.
Dipensa ng PhilHealth, ang kanilang actuarial projections ay nakabase sa inaasahang nilang mataas na benefit payouts bunsod ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa kanilang kita, sinabi ni PhilHealth Acting SVP Atty. Emily Roque na aabot pa ng hanggang P140 billion ang kanilang reserve funds.
Sa kabilang dako, natukoy din sa pagdinig na sa 109 million na Pilipino base sa 2020 census, 95 million ang registered sa PhilHealth.
Taliwas din ito sa itinatakda ng Section 5 ng Universal Health Care Law na dapat lahat ng mga Pilipino ay registered sa ahensya.
Kaya pinag-aaralan sa ngayon ng PhilHealth sa kung paano nila narating ang naturang numero kasunod na rin nang inaccuracies na kanilang nakita sa kanilang sariling datos.
Balak ngayon ng PhilHealth na i-collaborate ang implementasyon ng UHC sa datos mula naman sa Philippine National ID System para sa mas maayos na data gathering.