Inirekomenda ni dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo Rep. Janette Garin na ilipat sa ilalim ng Department of Finance (DOF) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) imbis na sa Department of Health (DOH).
Sa isang press conference, sinabi ni Garin na dapat ikonsidera ang naturang hakbang para matigil na ang korapsyon sa loob ng PhilHealth.
Sa mga nakalipas na buwan ay naging laman ng balita ang katiwalian sa PhilHealth claims na sinasabing kontrolado ng mga opisyal na kabilang sa umano’y mafia sa loob ng ahensya.
Samantala, hinamon naman ni House Minority Leader Bienvenido Abante ang bagong pangulo ng PhilHealth na si retired Gen. Ricardo Morales na silipin ang korapsyon sa tanggapan.
Dapat din aniyang isiwalat ni Morales sa publiko ang magiging resulta ng naturang imbestigasyon bilang bahagi ng mandato nito.
Dagdag pa ni Abante, kasuhan ang mga tiwaling opisyal at hindi lamang basta hayaan na makapaghain ng leave o resignation letter.
Gayunman, aminado ang dalawang kongresista na matagal ang isasagawang imbestigasyon dahil sa lawak ng korapsyon sa PhilHealth.