-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at CEO Emmanuel Ledesma, Jr. na papanatilihin ang 5% na pagtaas sa premium contributions.

Ito ay matapos na ihayag ng Office of the President sa pamamagitan ng isang sulat na hindi nito tinututulan ang naturang umento na ipinatupad noong Enero ng kasalukuyang taon.

Matatandaan kasi na noong nakalipas na buwan, umapela si Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang pagpapatupad ng premium hike.

Subalit tiniyak naman ni Ledesma sa mga Pilipino na mararamdaman nila ang kanilang mga benepisyo kasabay ng pagtaas ng kontribusyon na nakalaan para makalikom pa ng mas maraming pondo para sa reporma sa Philhealth.

Ayon kay Ledesma target ang pagtaas ngayong taon sa premium ay ang panghuli na dahil naabot na ang 5% limit nito.

Sa ilalim ng Universal Healthcare Act, minamandato ang Philhealth na taasan ang premiums ng mga miyembro ng 0.5% kada taon simula noong 2019.

Samantala, sa panig naman ng Palasyo Malacanang, patuloy pang pinag-aralan ni PBBM ang rekomendasyon na suspendihin ang pagpapatupad ng 5% hike sa Philhealth premium rates.

Ayon kay Communications Sec. Cheloy Garafil, nais ni Pangulong Marcos na masiguro na anumang pagtaas sa premium rates ng Phihealth ay magbebenispisyo sa kanilang miyembro. (With reports from Bombo Everly Rico)