-- Advertisements --

Umapela ang Phil. Veterans Affairs Office (PVAO) sa publiko na bigyang-pugay at pagkilala ang mga beteranong nagbuwis ng bugay, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kagitingan ngayong Abril-9.

Ang sakripisyo ng mga beterano, ayon kay PVAO Deputy Administrator Restituto Aguilar, ay naging daan para sa kalayaang tinatamasa sa kasalukuyan.

Kahit sa simpleng paraan ng pagpupugay ng aniya, malaking bagay na ito upang mapahalagahan ang kanilang naging ambag at sakripisyo para sa Pilipinas.

Giit ni Aguilar, hindi hinangad ng mga beterano na sumabak sa digmaan upang ipagtanggol ang bansa mula sa mga dayuhan. Nagkataon lamang aniya na kailangan ang kanilang serbisyo sa mga panahong iyon at agad din silang tumugon sa naturang pangangailangan.

Dahil dito, mahalaga aniyang pasalamatan sila sa kanilang nagawa at nai-ambag para makuha ng Pilipinas ang hinahangad na kalayaan.

Umaasa rin ang opisyal na magtutuloy-tuloy ang pagpupugay ng mga Pilipino sa mga beterano, kahit ilang taon pa ang lumipas, bilang pagpapakita ng paggalang sa kanila at kanilang naging sakripisyo. (report by Bombo Jai)