Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga Pilipino na pairalin ang tapang, pagkakaisa, at pagmamahal sa bansa sa harap ng patuloy na nagbabagong hamon.
Sa kanyang mensahe para sa Araw ng Kagitingan, iginiit ng Pangulo na ang lakas ng bansa ay nasusukat hindi lamang sa tagumpay kundi sa kakayahan ng mamamayan na magkaisa at tumindig.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng malasakit, pagtutulungan, at paninindigan sa tama bilang susi sa pagtagumpay ng bansa.
Inalala rin ng Pangulo ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa kalayaan sa Bataan at Corregidor, na aniya’y patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon.
Hinimok ni Pang. Marcos ang publiko na isabuhay ang diwa ng kagitingan upang makamit ang layunin ng isang mas maunlad na “Bagong Pilipinas.”















