-- Advertisements --

Matagumpay na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) ang kanilang Bilateral Maritime Cooperative Activity (MCA) sa West Philippine Sea mula June 14 hanggang June 19,2026.

Ito na ang ikaapat na magkasamang pagsasanay sa dagat na ginawa ng Pilipinas at Amerika ngayong taon.

Sa loob ng anim na araw, nagpadala ang Pilipinas ng mga barko ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard gaya ng BRP Diego Silang, BRP Melchora Aquino, at BRP Sindangan, kasama ang mga FA-50 fighter aircraft at mga Sokol helicopter.

Nag-deploy naman ang US ng mga barko gaya ng USCGC Charles Moulthrope at USCGC Emlen Tunnell, isang P-8A Poseidon maritime patrol aircraft, at mga sundalo mula sa 3rd Marine Littoral Regiment.

Kabilang sa mga isinagawang drills ang Search and Rescue (SAR), Visit, Board, Search, and Seizure (VBSS) o pag-inspeksyon sa mga barko, Communication Exercises (COMMEX), Division Tactics, at Joint Fires Rehearsal.

Ayon sa AFP, ang tagumpay ng aktibidad na ito ay nagpapakita ng patuloy na komitment ng dalawang bansa na palakasin ang kooperasyon sa seguridad sa dagat at panatilihin ang kaayusan at batas sa rehiyon ng Indo-Pacific.